
Nanindigan si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na walang conflict of interest sa kanyang pagba-vlog habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin bilang opisyal ng Malacañang.
Ito ang pahayag ni Castro kasunod ng kasong libel na isinampa laban sa kaniya ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, na ibinatay umano sa isa sa kaniyang vlog.
Ayon kay Castro, malinaw na may disclaimer ang kaniyang mga YouTube channel na nagsasaad na ang kaniyang mga pahayag ay personal na pananaw at hindi opisyal na posisyon ng Palasyo o ng pamahalaan.
Tiniyak din ni Castro na hindi niya ilalagay sa alanganin ang Pangulo at ang Malacañang sa anumang nilalaman ng kaniyang vlog.
Giit niya, ginagamit lamang niya ang kaniyang karapatan sa malayang pagpapahayag bilang isang Pilipino, at wala itong kinalaman sa kaniyang opisyal na tungkulin bilang Palace Press Officer.










