
Diretsahang itinanggi ni Palace Press Officer Claire Castro ang mga lumalabas na ulat na isa siya mga ikinokonsidera na maging susunod na kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Kasunod ito ng pagkakatalaga ni outgoing Justice Secretary Jesus Crispin Remulla bilang bagong Ombudsman kahapon dahilan para mabakante ang posisyon sa pagiging kalihim ng DOJ.
Ayon kay Castro, walang katotohanan ang kumakalat na usapin at hindi niya alam kung papaanong lumutang ang kaniyang pangalan.
Natanong din si Castro kung tatanggapin niya ang posisyon sakaling alukin siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pero tumanggi siyang sagutin ito.
Samantala, sinabi naman ni Castro na wala detalye patungkol sa shortlist ng mga pangalan na posibleng pumalit kay Remulla.
Sa ngayon, magsisilbi munang Officer-in-Charge o acting Secretary ng DOJ si Undersecretary Fredderick Vida.









