Dapat na maglabas ng malinaw na guidelines ang susunod na liderato ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) hinggil sa plano nitong bigyan ng akreditasyon ang mga vlogger na makapag-cover ng press briefing sa Malacañang.
Ayon kay Danilo Arao, associate professor ng Department of Journalism-College of Mass Communication sa UP Diliman, delikado ang pagbibigay ng espasyo sa mga content creator sa Malacañang lalo na sa usapin ng pagpapakalat ng impormasyon.
Lumabas kasi sa mga pag-aaral sa Pilipinas at maging sa ibang bansa na kabilang ang mga influencer at vlogger sa mga promotor ng fake news.
“Hindi natin nilalahat po kasi may mga responsable naman sa kanila, pero mas marami yung mga iresponsable na kumbaga mataas yung kanilang social media family, kas inga kaya nilang mapa-viral ng isang bagay kahit kasinungalingan po ito,” ani Arao sa interview ng DZXL RMN Manila.
“So yung mga ganong klaseng content creator, influencer at vlogger, delikado po ‘yan pag bibigyan niyo ng espasyo sa Malacañang kasi mas lalo silang male-legitimize so mas makakaya nilang mag-name drop at iba pang nefarious practices na hindi allowed po sa journalism,” punto niya.
Kaugnay nito, hinimok ni Arao si incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na magkaroon ng konsultasyon sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps, academe na may alam sa ethics at standards ng journalism at iba pang media sector na maaaring tumulong sa pagbuo ng guidelines.
Dapat din na walang favorable treatment sa mga vlogger na tumulong sa kampanya ni President-Elect Bongbong Marcos at hindi mabalewala ang mga lehitimong mamamahayag.
“Dapat may malinaw na commitment yung PCOO ngayon pa lang na talagang hindi magkakaroon ng favorable treatment o preferential treatment kasi baka mamamaya itong accreditation system na ‘to parang ano ‘to, payback, yung bayad sa utang na loob dun sa mga sinasabi ng papasok na pangulo na ito raw yung tumulong sa kanya sa panahon ng kampanya kasi mahirap mapulitika ang coverage,” saad pa ni Arao.
“Dapat, kasi alam naman natin limitado yung espasyo, yung physical space sa ilang mga events, baka mamaya nagpapapasok ka ng mga vlogger at content creator at the expense of the journalist. So, dapat walang pag-iitsapwera,” giit pa niya.