Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na sa pagbubukas ng session ay agad nilang isasagawa ang pagdinig ukol sa troll farms.
Ayon kay SP Sotto, kabilang sa mga pangunahing ipapatawag para humarap sa pagdinig ay ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Department of Information ang Communications Technology (DICT).
Sabi ni SP Sotto, iimbitahan din ang pangasiwaan ng Facebook na umano’y nagagamit ng mga trolls para magkalat ng fake news o mga maling impormasyon.
Ang ikakasang pagdinig ng Senado ay batay sa resolusyon na nilagdaan ng 12 mga senador na nagsusulong ng imbestigasyon upang matiyak na hindi nagagamit ang pondo ng gobyerno sa mga troll farms.
Nasa resolusyon din ang natanggap na impormasyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na isang undersecretary ang umano’y nag-oorganisa ng troll farm sa mga probinsya para gamitin laban sa mga kritiko at makakalaban ng administrasyon sa 2022 elections.
Sa resolusyon ay nakasaad din ang pagkuha ng PCOO ng maraming contractual workers na hinihinalang gumaganap bilang trolls o tagabanat sa mga kritiko ng gobyerno gamit ang social media pero ito ay itinanggi na ng PCOO.