Walang katotohanan sa mga lumulutang na balita na kumakalas na ang militar sa suporta nito kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) matapos magbigay ng info ang isang Twitter user na mayroong isang Viber group na binubuo ng halos 500 miyembro na pinag-uusapan ang pagbawi ng suporta ng militar kay Pangulong Duterte na tumatayong Commander-in-Chief.
Sa Facebook post, sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar na hindi totoo ang mga kumakalat na balita at isa lamang itong imahinasyon ng mga gustong patalsikin si Pangulong Duterte sa Malacañang.
Kinausap din ni Andanar si Defense Secretary Delfin Lorenzana hinggil dito at pinabulaanan din ng Cabinet official na wala nang kumpiyansa at tiwala ang militar sa pamumuno ni Pangulong Duterte.
Iginiit din ni Andanar, hindi ito sumasalamin sa totoong sentimiyento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga tauhan nito, aktibo man o retirado.
Bumubuhay aniya ang mga panawagang #OustDuterte at #DuterteResign dahil nalalapit na muli ang halalan.
Pagtitiyak ng Palasyo na gumagawa ng mga hakbang si Pangulong Duterte para maresolba ang tensyon sa Julian Felipe Reef at sa pamamagitan ito ng diplomatikong paraan.