PCOO, suportado ang House Bill 2476 na magtataas sa suweldo ng mga nasa Media

Pabor si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa inihaing panukalang batas na magbibigay ng mataas na sahod sa mga mamamahayag.

Ito ay ang House Bill 2476 o ang Media Workers Welfare Act na inihain ni ACT -CIS Congresswoman Nina Taduran na magtatakda ng buwanang suweldo na P20,000-P60,000 sa mga nasa media industry.

Ayon kay PCOO Secretary Andanar, tama lang na mabigyang pansin ang kalagayan ng mga nasa larangan ng pamamahayag lalo’t itinuturing itong ika-apat na estado sa lipunan.


Bnigyang diin ni Andanar na kung ang mga nasa national government at ibang mga nasa pamahalaan gaya ng mga mambabatas ay may maayos na tinatanggap na pasahod, panahon na ayon sa kalihim upang mabigyan na rin ng magandang salary matrix ang mga nasa media.

Sa ilalim ng naturang panukala, tatanggap ang mga reporters na may tatlong taong karanasan sa pamamahayag ng P40 libong piso kada buwan habang ang may 5 years experience ay P45 thousand at ang nasa may 6 na taong karanasan na ay tatanggap ng P45 thousand pesos kada buwan.

P50 thousand naman para sa mga may 8 years experience at 60 thousand pesos para sa mga may sampung taon nang nasa larangan ng pamamahayag.

Facebook Comments