Cauayan City, Isabela- Namahagi ng P5 milyong halaga ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Cagayan sa pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Lungsod ng Tuguegarao.
Personal na iniabot ni Ginoong Heherson Pambid, branch manager ng PCSO Cagayan ang tseke na nagkakahalaga ng limang milyong piso sa pinuno ng Social Services ng CVMC na si Catherine Mendoza.
Sinabi ni Pambid na ang ibinigay na halaga ay tulong sa nasabing ospital para sa karagdagang pondo sa pagbili ng mga kinakailangan para mabigyan ng magandang serbisyo ang mga pasyente.
Maaari aniyang gamitin ng ospital ang ibinigay na pondo para sa medical, hospital, o laboratoryo lalo na ng mga mahihirap na pasyente.
Isang taon ang ibinigay na panahon sa CVMC para magamit ang nasabing halaga at kung sakaling mayroong matira o hindi nagamit sa ipinamahaging pondo ay ibabalik din sa PCSO.