PCSO chairman at ret. PCol. Royina Garma, pinatawan ng contempt ng House Quad Committee

Pinatawan ng contempt ng House Quad Committee si dating Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO Chairman at retired Police Colonel Royina Garma, kaakibat nito ang pagdetine sa kanya sa detention facility ng Kamara.

Bunsod nito ay hindi napigilan ni Garma ang umiyak habang ilang minuto na naka-break ang ika-limang pagdinig ng Quad Committee na tumatalakay ngayon sa extrajudicial killings na konektado sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Si Committee on Public Accounts Chairman at Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Caraps Paduano ang nagsulong na ma-contempt si Garma dahil iniiwasan itong sagutin ng direkta ang mga tanong kung sya ba ay malapit o malakas kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa pagdinig ngayon ay inakusahan din si Garma ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel bilang “direktor” sa nangyaring pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong  2016.

Diin ni Pimentel, apat na testigo na humarap sa pagdinig ng quad committee ang nagturo kay Garma na kinabibilangan nina Leopoldo “Tata” Tan Jr., at Fernando “Andy” Magdadaro na silang nagsagawa ng pagpatay.

Kasama ring nagtuturo kay Garma sina dating DPPF Warden Supt. Gerardo Padilla; at dating policeman Jimmy Fortaleza na kaklase ni Garma sa Philippine National Police Academy.

Mariin namang itinanggi ni Garma na may kinalaman siya sa pagpatay sa naturang Chinese nationals.

Facebook Comments