
Itinanggi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman at dating Regional Trial Court (RTC) Judge Felix Reyes ang alegasyon na sangkot ito sa case fixing para sa kilalang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Kasunod na rin ito ng alegasyon ng whistleblower ng mga nawawalang sabungero na si Dondon Patidongan alyas Totoy.
Kasunod nito, hinamon ni Reyes si alyas Totoy na tukuyin ang partikular na kaso ni Atong Ang o ano mang kaso ng mga nawawalang sabungero na inayos nito pabor kay Ang.
Sinabi ni Reyes na papayagan niya ang Bureau of Immigration (BI) na isapubliko ang kanyang mga biyahe sa ibayong dagat mula noong nagretiro ito sa hudikatura noong October 2021.
Nagtataka rin umano ito na nataon pang idinawit siya sa isyu isang araw matapos mag-apply bilang Ombudsman.
Sa kabila nito, tiniyak ni Reyes na handa itong makipagtulungan sa ano mang imbestigasyon para malinis ang kanyang pangalan sa mga walang basehang alegasyon.









