Bukas ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa anumang imbestigasyon ukol sa mga inilunsad nilang anti-drug operations sa bansa.
Pero ayon kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, susundin pa rin nila ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa umano’y kaso ng mga pagpatay sa gitna ng drug war.
Sa preliminary investigation, sinabi ni retired ICC prosecutor Fatou Bensouda na may resonableng basehan para paniwalaang nagkaroon ng crimes against humanity sa drug war ng administrasyong Duterte.
Pero kinuwestiyon ito ni Villanueva at hinanapan ng detalye si Bensouda hinggil sa iniimbestigahan nitong extrajudicial killings (EJK).
Punto pa niya, nakikipag-ugnayan sila sa Department of Justice (DOJ) at ibinabahagi rin nila ang lahat ng impormasyong hinihingi ng Commission on Human Rights (CHR) ukol sa kanilang mga anti-drug operation.
Samantala, giit ni Villanueva, 2.11% lang ng mahigit 289,000 na naarestong drug dealers ang nasawi mula Hulyo 2016 hanggang April 30, 2021.
Ipinagmalaki rin nito na nang dahil sa anti-drug campaign ng gobyerno, 21,891 mula sa 42,045 mga nayon sa buong bansa ang malinis na mula sa iligal na droga.