Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Kalinga na ang mga menor de edad ang siya umanong nagsisilbing drug courier ng ilang malalaking tao para sa pagbebenta ng illegal drugs sa buong probinsya.
Ito ang inihayag ng ahensya sa katatapos na youth empowerment and drug symposium sa Barangay Laya East, Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay Samuel Poking Jr. ng PDEA Kalinga, menor de edad ang madaling target kung saan takbuhan ang mga ito ng ilang negosyante para maihatid ang ipinagbabawal na gamot at mga kabataan rin ay madali umanong maloko dahil sa ipinapangakong pera.
Paglalahad pa nito, nangangako rin aniya ang mga drug trafficker sa menor de edad na hindi sila maikukulong dahil wala pa umano sila sa hustong edad, kung saan madaling paniwalaan ng mga kabataang biktima.
Gayunpaman, ipinaaalala rin ni Poking sa mga menor de edad na sila ay may pananagutan pa rin sa umiiral na RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinunto rin niya na ang ilang menor de edad na biktima ng drug trafficking ay ang madalas na wala sa paaralan, mga kabataang nakakaranas ng problema sa pamilya at ito ang nagsisilbing basehan para mapilitang maging drug courier sa kadahilanang walang patnubay at gabay ng pamilya.
Dagdag pa niya, ipinapasakamay ng mga awtoridad ang mga menor de edad sa Local Social Welfare and Development Office para sa pagsasailalim sa intervention.