PDEA leaks ‘whistleblower’ at dating agent na si Jonathan Morales, guilty sa kasong perjury

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hinatulang guilty sa kasong perjury si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales dahil sa pagsisinungaling nito sa isang testimonya noong 2011.

Sa 11 pahinang desisyon ng San Fernando Municipal Trial Court Branch IV, guilty beyond reasonable doubt ang hatol kay Morales na may kaakibat na apat na buwang pagkakakulong.

Pinagbabayad din siya ng isang libong pisong multa o kulong sakaling bigong mabayaran.


Inaakusahan ito sa pagsisinungaling ni Morales sa kaniyang testimonya noong June 2011 at September 2011 sa dalawang Chinese national na sangkot sa iligal na droga.

Sa sinumpaang salaysay ni Morales, nagbebebenta ng iligal na droga ang mga suspek pero binawi rin niya ito at sinabing pinilit umano siyang tumestigo laban sa dalawa ng superior na si Director Lyndon Aspacio.

Ginawa umano niya ito dahil sa pangambang sisibakin siya kapag hindi sumunod sa utos.

Pero sa ruling ng korte, walang nakitang ebidensiyang sumusuporta sa depensa ni Morales na pinilit lamang siya o tinakot.

Si Morales din ang sinasabing pumirma sa umano’y nag-leak na PDEA pre-operation report noong 2012 na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.

Nauna na rin siyang ipina-cite in contempt sa Senado noong Mayo dahil sa patuloy na pagsisinungaling pero kalaunan ay pinayagan ding makalabas.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, paalala ito sa bawat isa na walang lugar ang kasinungalingan sa lahat ng korte sa bansa.

Facebook Comments