Manila, Philippines – Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency ang publiko laban sa mga nagpapanggap na PDEA agent sa kasagsagan ng kampanya sa giyera laban sa ilegal na droga.
Ang babala ay ginawa ni PDEA Director General Aaron Aquino matapos mabunyag ang modus ng isang Jhay-R Repana na nagpakilalang ahente ng PDEA batay sa ipinakita nitong identification card.
Nauna rito, noong February 24, sakay si Repana ng Mitsubishi Lancer kasama ang isang Rosemimi Facal nang pagbabarilin sila ng bumuntot na kotse.
Sa Sta. Rosa Hospital na dinatnan ng pulisya ang dalawa matapos matunton doon ang kanilang sasakyan at saka sila inaresto.
Nadiskubre ng SOCO Team ng CALABARZON Police na may kalibre trenta-otsong baril, mga bala, plastic sachet ng hinihinalang shabu, improvised tooter at lighter sa loob ng kotse ng pekeng PDEA agent.
Hindi naman na bago para sa pamunuan ng PDEA ang serye ng ganitong insidente para maisagawa ang mga iligal na aktibidad at sirain ang integridad ng law enforcement agencies.
Kaya’t apela ni PDEA Director General Aaron Aquino, isumbong sa kanila ang mga bogus PDEA agents upang hindi na mabiktima ang mga komunidad.