Tiniyak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na piling-pili lang ang nakakasilip sa tinatawag nilang drug watch list.
Ito ay kasunod ng pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipinakita sa kaniya ng PDEA na nasa watchlist ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos noong alkalde pa lang siya ng Davao City.
Sa news conference, sinabi ni PDEA Spokesman Derrick Carreon na tanging ang mga nasa law enforcement at intellegence agencies ang may kapasidad para makita ang watch list.
Kahit umano siya na matagal na sa PDEA ay hindi pa nasisilip ang watch list na hawak ng PDEA.
Wala rin umanong access ang isang alkalde o mayor sa national drug watch list.
Posibleng mayroon lang umano access ang isang alkalde sa mga personalidad na sangkot sa droga sa kaniyang nasasakupang lungsod o munisipyo.
Sa tanong naman kung irerekomenda ba nila na sumailalim sa drug test ang pangulo, iginiit na Carreon na boluntaryo ang pagsasailalim sa drug test.
Pero kung matatandaan umano noong november 22, 2021 ay nagpakita ng negative drug test result para sa cocaine ang kumakandidato na ngayon ay Pangulong Marcos.
Samantala, sa isyu naman na regulated drug na fentanyl, tumanggi ang PDEA na magbigay ng anumang reaksyon sa isyu.
Sa halip, ang sinabi lang ni Carreon ay tanging ang mga doktor na otorisadong magreseta nito ang pinapayagan sa ilalim ng batas.
Ang fentanyl ay isang uri ng gamot para sa pain management.
Lumutang ang isyu ng fentanyl matapos na hingan ng reaction si Pangulong Marcos sa mga pahayag ni Dating Pangulong Duterte.