Isinulong ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara na itaas sa P1 milyon kada depositor ang kasalukuyang P500,000 na deposit insurance ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC).
Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 2089 na inihain ni Angara para amyendahan ang PDIC charter upang mas maging akma ang sistema para sa mas dumaraming Pilipino na pinipiling magtabi ng pera sa bangko.
Tinukoy ni Angara ang datos ng PDIC nitong Setyembre 30, 2020, na umaabot na sa 96.7 porsyento o 76.1 milyon mula sa kabuuang 78.7 milyong total deposit accounts ang nakadeposito ngayon sa 537 iba’t ibang bangko sa bansa na saklaw ng kanilang insurance.
Sa panukala ni Angara, kada tatlong taon ay sasailalim sa pagrerepaso ng PDIC Board of Directors kung ano ang maximum deposit insurance coverage nito at ibabase rin ang insurance coverage sa galaw ng inflation at ng ekonomiya.
At upang maiwasan ang sapawan sa pagitan ng PDIC at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), itatalaga sa panukalang batas ang mga partikular na kapangyarihang igagawad sa deposit insurer.
Layunin din ng panukala ni Angara na alisin ang exemption ng korporasyon sa Salary Standardization Law upang matiyak din na naayon ang compensation scheme ng PDIC sa iba pang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) and government institutions.