Cauayan City, Isabela- Malusog pa rin at nasa maayos na kondisyon ang mga nakapiit na Person’s Deprived of Liberty (PDL’s) ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay JO1 Flordeliza Santa Monica, tagapagsalita ng BJMP Cauayan, sinabi niya na sa kabila ng banta ng COVID-19 ay nasa mabuting kalagayaan ang nasa 182 na PDL’s kung saan 10 dito ay mga babae.
Araw-araw aniya ang kanilang monitoring sa kalusugan ng mga PDL’s, sanitation, pagsasagawa ng disinfection at information drive sa mga ito kaugnay sa kaso ng COVID-19.
Lahat din ng mga bagong pumapasok o ikinukulong sa BJMP ay isinasailalim muna sa rapid test at mandatory 14-days quarantine sa kanilang itinalagang pasilidad.
May kanya-kanya rin nurses na nakatalaga sa bawat area ng BJMP at mayroon din sinusunod na health and safety protocols.
Ayon pa kay JO1 Santa Monica, doble ang kanilang ginawang pag-iingat simula nang ipatupad ang total lockdown sa Luzon kung saan ay pansamantalang ipinagbawal muna ang pagbisita sa mga PDL hanggat hindi pa humuhupa ang banta ng COVID-19.
Gayunman, mayroon namang ginawang paraan ang pamunuan ng BJMP para magkaroon pa rin ng komunikasyon ang mga PDL sa pamilya at maiwasan ang depresyon sa pamamagitan ng ‘Electronic Dalaw’ o video call at pagtawag sa kanilang pamilya gamit ang cellphone.
Ibinahagi rin nito na wala pang naitalang kaso ng COVID-19 sa mga PDL’s at hindi rin ‘crowded’ o puno ang kanilang piitan dahil mayroon na silang bagong itinayong pasilidad.