Nilinaw ng Malacañang na ipinag-utos mismo ni Pangulong Rodrigo DUterte si Energy Secretary Alfonso Cusi na pangunahan ang national council assembly para sa mga miyembro ng Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos maglabas ng memorandum si PDP-Laban acting president Senator Manny Pacquiao na inaatasan ang mga miyembro ng partido na dedmahin ang panawagang national assembly ni Cusi, na siyang vice chairperson ng partido.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, si Pangulong Duterte ang nagbigay ng utos kay Cusi na talakayin ang mga isyung nakakaapekto sa partido.
Lumalabas sa mga ulat na sumulat si Cusi kay Pacquiao noong May 19 para abisuhan siya na magpapatawag siya ng national council meeting ngayong araw at bahagi ng agenda ay ilang “administrative matters” na may kinalaman sa 2022 national elections.
Iginiit ni Cusi na ang layunin ng meeting ay konsultahin ang mga miyembro sa kung paano susuportahan ang agenda ni Pangulong Duterte lalo na at huling taon na lamang ang nalalabi ng kanyang termino.
Mahalaga ang meeting para malaman kung ano na ang napagtagumpayan ng partido at kung ano pa ang kailangang gawin.
Noong Marso, nagbabala na si Pacquiao kay Cusi na huwag maglikha ng “dibisyon” sa pagitan ng mga miyembro ng partido.