Nananatiling tapat ang paksyon ni Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) President at Energy Secretary Alfonso Cusi sa tandem nina Senator Christopher Bong Go at Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kahit wala pang desisyon si Senator Go kung tatanggapin ang nominasyon ng partido para maging standard bearer.
Ayon kay PDP-Laban secretary general Melvin Matibag, walang katotohan ang ulat na magkakaroon ng pagpapalit ng pangalan na ilalagay sa certificate of candidacy.
Una nang naganap ang kahalintulad na pangyayari noong 2016 kung saan pinalitan ni Pangulong Duterte si Martin Diño na orihinal na nakalistang standard bearer ng PDP-Laban.
Giit ni Matibag, opisyal nang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Certificate of Nomination and Acceptance kaya hindi na mababago ang desisyon ng partido.
Sa ngayon, umaasa pa rin si Matibag na matutuloy ang Go-Duterte sa 2022 election kasabay ng pagsabing hindi nila suportado si Davao City Mayor Sara Duterte na susunod na pangulo.