Lumutang ang ilang PDP Laban members sa Kamara na mas pinipili nila si Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano na suportahan sa pagka-Speaker.
Ito ay sa kabila ng anunsyo ni Sen. Manny Pacquiao na inendorso ng ruling party sa pagka-Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay San Juan Rep. Ronaldo Zamora, nagdesisyon siyang suportahan si Cayetano dahil ito ang pinakakuwalipikadong tumayo bilang lider ng Kamara kumpara sa ibang aspirante.
Sinabi naman ni Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II na hindi lang ang kailangan sa Kamara ay malapit sa Presidente kundi mayoon din kakayanang mamuno bukod pa sa magandang track record sa serbisyo-publiko.
Dagdag ni Cavite Rep. Abraham Tolentino, hindi biro na pamunuan ang halos 300 miyembro ng Kamara kaya kailangan ng sapat na karanasan at kakayahan ng magiging Speaker, bagay na taglay umano ni Cayetano.
Sa panig naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez, naniniwala sila sa prinsipyo at integridad ni Cayetano kaya malaki aniya ang tsansa nito sa speakership kahit hindi siya miyembro ng partido ng Pangulo.