*Gamu, Isabela- *Pursigido ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP Laban na isulong ng ating Pangulo ang sistemang Pederalismo sa bansa.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay dating Mayor Ando Cumigad, ang Provincial Chairman ng PDP Laban at Secretary General ng PDP Laban Region 2, matagal na umanong programa ng PDP Laban ang Pederalismo at nagkataon lamang na ang ating Pangulong Duterte ay kabilang sa PDP Laban kaya’t isinusulong nito ang adbokasiya ng Pederalismo.
Aniya, maganda umano ang layunin ng Pederalismo dahil magkakaroon umano ng kalayaan ang mga mamumuno sa bawat rehiyon para sa kanilang sariling pondo at magkakaroon rin umano ng sariling oportunidad ang mga mamumuno upang maibigay ang mga pangangailangan ng kanyang nasasakupan.
Kaugnay nito, kung magiging Pederalismo umano ang Sistema ng ating bansa ay hindi umano madadamay ang pondo ng isang rehiyon kung magkakaroon man ng korupsyon sa mga pulitiko sa Malacañang.
Bagamat marami pa rin umano sa mga Pilipino ang hindi pa naiintindihan ang Pederalismo ay kanila umanong sisikaping ipaintindi sa mga mamamayan kung ano ang mga pagbabago at benipisyo na makukuha ng taumbayan kung magiging Pederalismo ang Sistema ng bansa.
Samantala, hindi kasi umano nagkakaisa ang mga grupo na nagsusulong sa adbokasiya ng Pederalismo na siya umanong dahilan sa pagkakabinbin ng ilan sa mga grupo na nagsusulong ng pederalismo upang pag-uusapan ang mga hakbang at pakay nito.
Bukod pa rito ay hindi na rin umano ito gaanong napagtutuunan ng pansin dahil sa nalalapit na eleksyon.