Planong magsagawa ng Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ng national assembly sa Hulyo para talakayin ang pagpapalit ng liderato.
Ito ay sa harap ng mga tanong kung papalitan si Senator Manny Pacquiao, na kasalukuyang acting president ng partido.
Ayon kay PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, mayroong sinusunod na proseso para maghalal ng party officers.
Sa kaso aniya ni Sen. Pacquiao, itinalaga siya bilang acting president kasunod ng pagbibitiw ni Senator Koko Pimentel.
“Meron po kasi kaming proseso on how to elect the officers and it is the national assembly who will elect the officer. In the case of Senator Pacquiao, he assumed the position of acting president due to the resignation of Senator Koko Pimentel. So even our bylaws say that the terms of office of the officers will always be two years. So everybody right now is overcapacity,” sabi ni Matibag.
Sa pamamagitan ng national assembly, makakapagpasya sila patungkol sa liderato.
Iginiit ni Matibag na ayaw niyang pangunahan ang magiging proseso.
Pagtitiyak niya na magkakaroon ng patas na proseso sa pagtatangal ng mga miyembro.
Nabatid na iminungkahi ng PDP-Laban council na magkaroon muli ng meeting sa July 16 at national assembly sa July 17 na sasailalim pa sa approval ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang chairperson ng partido.