Si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumama sa PDP-Laban at hindi ang partido ang sumama sa kaniya.
Ito ang sinabi ng isang political analyst matapos ang pahayag ni Pangulong Duterte na nabuhay lamang ang partido nang tumakbo siya bilang presidente sa ilalim ng PDP-Laban.
Sa interview ng RMN Manila, inihayag din ni Professor Ramon Casiple na kung history ang pagbabatayan ay ang paksyon nina Senator Koko Pimentel ang lehitimong namumuno sa partido.
Aniya, alkalde pa lamang noon si Pangulong Duterte ay matibay na ang samahan sa partido na itinatag noon nina dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Sa ngayon, nasa Commision on Elections (COMELEC) na raw ang desisyon kung sino ang kikilalanin bilang lehitimong PDP-LABAN kagaya ng nangyari noon sa pagkakahati ng Liberal Party.
Matatandaang noong Sabado, Hulyo 17 ay nagdaos ng general assembly ang PDP-Laban na pinangunahan mismo ni Pangulong Duterte kung saan nahalal si Energy Secretary Alfonso Cusi bilang bagong pangulo at pinalitan si Senator Manny Pacquiao.