PDP-Laban, nagpasa ng resolusyon para himukin na patakbuhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-bise presidente sa 2022 election

Nagpasa ang mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino o PDP-Laban ng resolusyon na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 elections.

Mabilis na sinang-ayunan kanina ng party members sa ginanap na PDP-Laban National Council Meeting sa Cebu City na pinangunahan ni Energy Secretary at PDP-Laban Vice Chair Alfonso Cusi, ang resolusyon para ipanawagan sa pangulo na kumandidato itong vice-president sa ilalim ng partido.

Nakasaad din sa resolusyon ang pagpili ni Pangulong Duterte ng kaniyang magiging running-mate na presidente sa halalan ng susunod na taon.


Samantala, hindi naman nakadalo kanina sa pulong ang Presidente.

Sa halip ay nagpadala ng video si Pangulong Duterte at nanawagan ito sa mga miyembro ng partido ng pagkakaisa batay sa kanilang principles at values at hindi sa mga pansariling interes lamang.

Naglabas din ng “manifesto of support” ang partido para igiit ang matibay na suporta sa pangulo na siyang chairman ng partido.

Sa July 16 ay muling magsasagawa ng national council meeting ang partido habang sa July 17 naman ang national assembly kung saan pagbobotohan naman ang party officers.

Sa kasalukuyan ay aabot na sa 100,000 ang mga miyembro ng partido.

Facebook Comments