PDRRMC Isabela, ‘Di Magpapakampante kay Bagyong Siony

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa rin ang mahigpit na paghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) Isabela sa pagtama ng bagyong Siony sa hilagang bahagi ng Luzon.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. Col Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction Management (*PDRRM*) Officer ng Isabela, kanyang sinabi na bagamat nag-iba ang direksyon ng bagyo sa unang pagtaya ng PAGASA ay hindi aniya magpapakampante ang Isabela sa mga posibleng pagbabago at magiging epekto nito.

Babantayan pa rin aniya nila ang mangyayaring pag-ulan sa Sierra Madre na magdudulot ng pagbaha sa Northern part ng Isabela maging sa mga karatig bayan na kabilang sa flood prone areas.


Kanyang sinabi na batay sa pagtaya ng PDRRMC ay hindi gaanong maaapektuhan ang probinsya ng Isabela subalit hindi aniya ito rason upang ipagsawalang bahala ang bagyong Siony.

Ibinahagi pa ni Ret Col Rivera na nakapagtala ng landslide ang Lalawigan partikular sa bayan ng Dinapigue na dulot ng bagyong Rolly at pinagtulungan na itong ayusin ng DPWH at ng LGU.

Samantala, nagkaroon na ng pag-uusap ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela at Department of Agriculture (DA) para sa mga ayudang ibibigay sa mga magsasakang lubhang naapektuhan ng mga magkakasunod na bagyo.

Ayon kay Ret Col Rivera, umabot sa 22 bayan ang matinding naapektuhan ng kalamidad kung saan tinatayang aabot sa 983 milyong piso ang naitalang pinsala ng mga nasalantang pananim gaya ng palay, mais at iba pang high value crops.

Facebook Comments