Cauayan City, Isabela- Pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang ginawang emergency meeting sa kapitolyo ng Isabela upang pag-usapan ang paghahanda sa Bagyong Dante.
Ayon kay Climate Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA Echague, makakaranas pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog pagkidlat dahil sa bagyo.
Giit naman ni PDRRM Officer Jimmy Rivera, kahit wala umanong bagyo na direktang makakaapekto sa probinsya ay kailangan pa rin ang paghahanda gayundin ang pagtitiyak na mayroong nakahandang pagkain.
Tiniyak naman ng Isabela Electric Cooperative ang kanilang kahandaan kaakibat ng pagbibigay ng hotlines number nila para mabilis na makaasyon sa mga posibleng brownout na mararanasan sa lalawigan.
Inihayag pa ni Tuppil na maaaring makapagtala pa ng 1 hanggang 3 tropical cyclones ngayong buwan ng Hunyo habang 2 hanggang 3 tropical cyclones sa bawat buwan ng Hulyo, Agosto, Setyembre, Oktubre at Nobyembre.