Cauayan City, Isabela- Nakaalerto pa rin sa pagtugon ang bawat rescue team ng munisipalidad sa Lalawigan ng Isabela ngayong nakakaranas ng patuloy na pag-uulan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret Col Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction Management (PDRRM) Officer ng Isabela, nakaantabay na ang mga rescue team at mga pulis sa mga overflow bridges sa Lalawigan kung saan mayroon nang mga tulay ang naitalang hindi na madaanan dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.
Ayon kay Ret Col Rivera, not passable o hindi pa rin pwedeng daanan ang Gucab at Annafunan overflow bridge sa Echague, Isabela, Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City, Baculud Overflow bridge sa City of Ilagan, Mozzozzin Sur overflow bridge na kumukonekta bayan ng Cabagan at Sta Maria, Cansan Overflow bridge na kumokonekta sa bayan ng Cabagan at Sto Tomas, at Sto Domingo- Santiago overflow bridge sa bayan ng Quirino.
Kung patuloy aniya ang pag-uulan ay posibleng hindi na rin madaanan ang iba pang overflow bridges sa Lalawigan.
Pinapayuhan naman ang lahat lalo na sa mga nakatira sa mabababang lugar na maging alerto at lumikas kung tumataas na ang lebel ng tubig.
Inaasahan na rin aniya ang paglikas ng mga residente sa mga lugar na madalas nakakaranas ng pagguho ng lupa at nakahanda na rin ang mga relief packs na ipapamahagi sa mga evacuees.
Pinayuhan ang bawat MDRRMO na bantayang maigi ang mga ilog upang mailayo sa panganib ang mga taong magtatangkang tatawid.