PDRRMO Batanes, Nakapagpamahagina ng Relief Goods para sa mga Residente na Posibleng Maapektuhan ng BagyongHenry

Tiniyak ng Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na sapat ang mga ipinamahaging relief goods sa mga pamilyang posibleng maaapektuhan ng bagyong Henry.

Sa naganap na Response Cluster meeting ng Cagayan Valley Regional Task Force, inihayag ni PDRRMO Chief Roldan Esdicul na namigay na ang kanilang tanggapan sa iba’t ibang munisipalidad ng mga food packs para may sapat na suplay ang bawat bayan para sa taumbayan sa posibleng epekto ng bagyong Henry.

Bukod dito, nakapag-ikot na rin umano ang kanilang tanggapan sa mga kabahayan at nagbigay ng abiso sa publiko na maging handa sa naturang bagyo.

Sinabi pa ni Esdicul na nagbigay na rin sila ng abiso sa publiko ukol sa pagbabawal na paglalayag o pumalaot sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat.

Sinabi rin ni Esdicul nauna na ring pinayuhan ni Batanes Governor Marilou Cayco ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim bago pa ang pananalasa ng bagyong Henry sa kanilang lugar.

Inihayag naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 02 na mayroong naka-standby P10 milyon na pondo, maging ang Family Food packs na nagkakahalaga naman ng P15,349,630 at non-food items na may halagang P4,408,319 na nakalaan sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Samantala, sinabi rin ni Michael Angelo Langcay ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mayroon na silang inilaang lugar sa Batanes para sa free wifi at dalawang genset na naka-standby na gagamitin kung sakali na mawalan ng supply ng kuryente sa probinsiya.

Ipinarating din ng lahat ng mga miyembro ng task force kabilang na ang BFP, PAF, PNP, AFP at iba pang ahensya ng gobyerno na nakahanda na ang kanilang mga hanay sa posibleng epekto ng bagyong Henry.

Facebook Comments