PDRRMO Cagayan, Full-alert na sa magiging Epekto ng Bagyong Siony

Cauayan City, Isabela- Nakaalerto na ang pwersa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMC) Cagayan sa posibleng epekto ng Bagyong Siony.

Ayon kay PDRRMC Head Ret. Col. Atanacio Macalan Jr., nakaposisyon na rin sa sub-capitol ng lalawigan ang pwersa ng pulisya at militar para tumugon sa posibleng paglikas ng mga residente.

Dagdag pa ng opisyal, sapat naman ang mga kakailanganing kagamitan sa inaasahang paglikas ng mga ito sakaling maramdaman na ang matinding epekto sa ilang bahagi ng probinsya.


Sinabi pa nito na nakaalerto ang pwersa ng nasa 100 marine personnel sa coastal area ng lalawigan para sa posibleng pre-emptive evacuation

Samantala, nasa 250 pamilya mula sa low-lying areas ang isinailalim na sa pre-emptive evacuation sa bayan ng Calayan dahil sa posibleng pag-apaw ng tubig sa mga kabahayan.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal no 1 sa bayan Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Allacapan, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, at Santa Praxedes.

Sa ngayon ay hindi na rin pinapayagang pumalaot pa ang mga mangingisda upang makaiwas sa anumang mga insidente sa dagat.

Facebook Comments