PDRRMO ILOCOS SUR, NAGPAALALA SA PUBLIKO NA MAGING HANDA MATAPOS ANG SUNOD-SUNOD NA LINDOL SA MANILA TRENCH

Nagbigay ng babala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Ilocos Sur sa publiko na patuloy na maghanda laban sa posibleng epekto ng sunod-sunod na lindol na naitala mula sa Manila Trench.

Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), mahigit 200 na ang naitalang aktibidad ng lindol simula noong Disyembre 17, 2024. Dahil dito, pinag-iingat ang mga residente, lalo na ang mga naninirahan malapit sa baybayin, dahil sa banta ng tsunami na maaaring idulot ng mga malalakas na pagyanig.

Ipinaalala ni PDRRM Officer Rhon Arquelada ang kahalagahan ng paghahanda sa ganitong uri ng kalamidad. Ayon sa kanya, mahalagang may nakahandang GO-bag ang bawat pamilya. Dapat itong maglaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, first aid kit, flashlight, baterya, at mahahalagang dokumento.

Dagdag pa rito, muling pinaalala ng opisyal ang tamang pagsasagawa ng Duck, Cover, and Hold technique. “Malaki ang maitutulong nito upang maprotektahan ang sarili sa tuwing nararanasan ang malalakas na pagyanig,” ani Arquelada.

Hinimok din ng PDRRMO ang lahat na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga paalala ng mga lokal na awtoridad upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa panahon ng sakuna. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments