Kasabay ng pagdami ng mga libreng WiFi sa mga pampublikong lugar, nagpaalala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko hinggil sa mga panganib na kaakibat ng paggamit ng pampublikong internet connection.
Ayon sa PDRRMO, bagama’t malaking tulong ang public WiFi sa komunikasyon, nagdadala rin ito ng banta sa seguridad ng personal na datos, lalo na kung walang sapat na proteksyon ang ginagamit ng mga kumokonekta rito.
Ang public WiFi ay karaniwang libreng internet na matatagpuan sa mga mall, café, terminal, paaralan, at iba pang pampublikong lugar.
Madali man itong ma-access, hindi umano ito palaging ligtas dahil maaaring mapasok ng mga cybercriminal ang impormasyong ipinapadala at tinatanggap ng mga gumagamit.
Bilang pag-iingat, mariing pinayuhan ang publiko na iwasan ang online banking at paggamit ng e-wallets, paglalagay ng passwords at one-time passwords (OTP), pagbubukas ng sensitibong accounts, at pagda-download ng mga aplikasyon o files habang nakakonekta sa public WiFi.
Ilan pa sa mga paalala ng PDRRMO para sa mas ligtas na paggamit ng pampublikong WiFi ang pagtiyak sa tamang pangalan ng WiFi network bago kumonekta, paggamit lamang ng mga website na may “https,” pag-off ng auto-connect at file sharing features, pag-log out matapos gamitin ang internet, at paglilimita sa oras ng koneksyon.
Hinikayat ng PDRRMO ang publiko na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng teknolohiya upang maiwasang mabiktima ng iba’t ibang uri ng cybercrime. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










