Sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong panahon ng bakasyon, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na magplano at maging maingat upang maiwasan ang matinding holiday traffic at masiguro ang ligtas na paglalakbay.
Ayon sa Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mahalagang magplano nang maaga at maging flexible sa oras ng biyahe.
Ipinabatid ng tanggapan na masikip ang daloy ng trapiko mula 7:00 hanggang 10:00 ng umaga at 4:00 hanggang 7:00 ng gabi, kaya’t pinapayuhan ang publiko na iwasan ang paglalakbay sa mga oras na ito kung maaari.
Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pananatiling alerto sa kalsada, lalo na sa gitna ng mabigat na trapiko.
Pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang paggamit ng cellphone at iba pang gadget habang nagmamaneho upang maiwasan ang aksidente.
Mahalaga rin umano ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa rutang dadaanan, kabilang ang mga pangunahing kalsada at alternatibong daan, upang mas maging maayos at mabilis ang biyahe.
Bukod dito, hinihikayat ang publiko na regular na alamin ang lagay ng panahon sa pamamagitan ng mga mapagkakatiwalaang weather updates bago bumiyahe upang matiyak ang kaligtasan sa daan.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa kooperasyon ng publiko upang maging maayos, ligtas, at mas magaan ang daloy ng trapiko ngayong holiday season. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









