PDRRMO PANGASINAN, NAKASAILALIM SA BLUE ALERT DAHIL SA POSIBILIDAD NG PANANALASA NG SUPER TYPHOON

Nagpaalala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Pangasinan sa mga residente na maghanda ng “Go-Bag” na naglalaman ng mahahalagang gamit sa oras ng emerhensiya at magsagawa ng maagap na paglikas kung kinakailangan, bilang paghahanda sa posibleng pananalasa ng super typhoon sa mga susunod na araw.

Ayon kay PDRRMO emergency operations head Pia Flores, maaaring maapektuhan ang lalawigan dahil sa malawak na “cone of uncertainty” ng papalapit na bagyo. Inirerekomenda rin niya ang paglilinis ng kalsada at daluyan ng tubig bilang bahagi ng paghahanda.

Dagdag pa ni Flores, pinakamahalaga ang maagap na paglikas lalo na sa mga nakatira sa delikadong lugar. Patuloy namang nananatili sa blue alert status ang lalawigan habang nagsasagawa ng pre-disaster risk assessment ang mga ahensya.

Batay sa ulat ng PAGASA, ang Tropical Storm Fung-Wong na papasok sa Philippine Area of Responsibility sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga bilang Bagyong Uwan, ay inaasahang lalakas pa at magiging super typhoon bago tumama sa hilagang at gitnang Luzon sa Lunes o Martes.

Facebook Comments