Peace and order sa bansa, ipinapaprayoridad na rin sa pangulo

Pinayuhan ni Senator JV Ejercito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na iprayoridad din ang ‘peace and order’ sa bansa.

Ito ay kaugnay na rin sa ikakasang imbestigasyon ng Senado ngayong Linggo kaugnay sa serye ng mga kaso ng pagdukot sa mga kababaihan at kabataan.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Ejercito na kung siya ang tatanungin, dapat na ipakita ni Pangulong Marcos na siya ay ‘on top of the situation’ at ipakita na sa ilalim ng kanyang liderato ay prayoridad niya ang ‘peace and order’.


Ipinunto ng senador na ang pagkakaroon ng kapayapaan at kaayusan ay essential o mahalaga para maisakatuparan ang prayoridad ni Pangulong Marcos na ibangon ang ekonomiya pagkatapos ng epekto ng pandemya at ipakita na investment-friendly ang bansa.

Kailangan na aniyang kumilos agad ng mga awtoridad upang magkaroon ng kapayapaan at maibalik ang kumpyansa ng investors at maliliit na negosyo.

Hinihinala ni Ejercito na ang magkakasunod na kaso ng pagdukot ay posibleng sinusubukan lang ng mga sindikato ang liderato ng administrasyong Marcos at pamunuan ng Philippine National Police (PNP).

Matatandaan aniya noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay walang sindikato ang nangahas na gumawa ng masama dahil top priority noon ng dating administrasyon ang paglaban sa krimen lalo na ang ‘war on drugs’.

Facebook Comments