Humiling si 6th Infantry Kampilan Division Brigadier General Nasser Lidasan ng pagkakaisa at kooperasyon para sa mga ginagawa nilang paghahanda sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Isinagawa ang unang dayalogo sa Camp Lucero, 602nd Infantry (Liberator) Brigade sa Carmen, North Cotabato kamakailan habang inilunsad ang ikalawang Peace Dialogue sa 601st Brigade headquarters sa Brgy. Kamasi, sa Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Brig. Gen. Lidasan, kanyang hinikayat ang lahat ng stakeholders doon na makiisa upang matiyak ang maayos at mapayapang BSKE 2023.
Kasabay nito, nanawagan din si Lidasan sa lahat ng mga kandidato sa bawat barangay na irespeto ang magiging resulta ng halalan at hayaang gumulong ng malaya ang proseso ng eleksyon.
Lumagda din sa Peace Covenant ang lahat ng stakeholders bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng peaceful at truthful na Barangay at SK Elections sa Oktubre.