Manila, Philippines – Itinalaga ng Palasyo ng Malacanang si dating Congressman Hernani Braganza na kausapin ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front.
Ito ay matapos ang atas ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling buksan ang pakikipag-usap para sa kapayapaan ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang dapat gawin ni Braganza ay makausap ang liderato ng rebeldeng grupo sa The Hague sa Netherlands para personal na ipaabot ang mga inilatag na kondisyon ni Pangulong Duterte para matuloy ang peace talks.
Sinabi ni Roque na ang mga ito ay absolute ceasefire, ihinto nito ang pangongolekta ng revolutionary tax at huwag nang ipagpilitan ang pagkakaroon ng coalition government.
Ito ang inaasahang personal na ipapabatid ng dating kongresista sa liderato ng NPA na ngayo’y bahagi ng government peace panel ng Pilipinas.