PEACE TALKS | DOJ, ipababalik sa kulungan ang mga NDF consultants at CPP leaders

Manila, Philippines – Kumikilos na ang Department of Justice (DOJ) para ibalik sa kulungan ang mga consultant ng National Democratic Front (NDF) at mga lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) na binigyan ng pansamantalang kalayaan para makilahok sa peace talks.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, dahil kinansela ang usapang pangkapayapaan, kinakailangan muling makulong ang mga NDF consultants at CPP leaders bilang pagsunod sa inilatag na kondisyon ng kanilang temporary release.

Inatasan na niya ang mga prosecutor na maghain ng kakailanganing pleadings sa Regional Trial Court ng Manila at Taguig para bawiin ang kautusang nagpapahintulot sa mga NDF consultants at CPP leaders na makapagpiyansa at makabiyahe sa Netherlands o Norway.


Ani Guevarra, sakaling paboran ng korte ang hiling ng DOJ na ibalik sila sa kulungan subalit hindi sumunod ang mga ito ay iiisyuhan sila ng arrest orders.

Matatandaang binigyan ng provisional liberty sina Benito Tiamzon, Adelberto Silva, Rafael Baylosis, Randall Echanis, Vicente Ladlad at Alan Jazmines.

Facebook Comments