Manila, Philippines – Umapela pa rin sina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Anakpawis Rep. Ariel Casilao kay Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang peace talks sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa kabila ng banta ng Pangulo na tutugisin na ang NPA at ang pagkakaaresto sa NDFP consultant.
Ayon kay Casilao, hindi pa naman huli ang lahat para magbago ang isip ng Pangulo at ituloy ang usaping pangkapayapaan.
Aniya, malayo na rin ang narating ng peace talks na siyang pinaniniwalaang sagot sa matagal ng problema sa armed-conflict sa bansa.
Dagdag naman ni Zarate, hindi sagot ang militarist solution para wakasan ang rebelyon sa bansa.
Muli namang nagbabala si Kabataan Rep. Sarah Elago na dahil sa utos na “crackdown” sa NPA ay magiging daan ito sa mas marami pang paglabag sa karapatang pantao.
Minaliit din ni Elago ang banta ni Duterte sa NPA at sinabing ito ay pagpapakita ng takot dahil hindi nito kaya tugunan ang mga umiiral na problema sa bansa.