Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na wala nang bisa ang JASIG o ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees na siyang nagpoprotekta sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF laban sa pag-aresto ng gobyerno habang nagpapatuloy ang usapang pangkayapayaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dahil tuluyan nang pinutol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa rebeldeng grupo ay maikokonsidera nang walang bisa ang JASIG.
Dahil aniya dito ay dapat nang arestuhin ang mga negotiators ng rebeldeng grupo lalo na ang mga mayroong kinakaharap na warrant of arrest.
Ipinaubaya naman ng Malacañang sa Department of Justice (DOJ) ang susunod na hakbang para madakip ang mga nasa legal front ng komunistang grupo base na rin sa mga naging pahayag ni Pangulong Duterte.