Manila, Philippines – Tinaningan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Communist Party of the Philippines Founding Chairman Joma Sison para maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Pangulong Duterte, binibigyan nalang niya ng 60 araw o dalawang buwan si Sison para tanggapin ang kanyang mga inilatag na kondisyon para magpatuloy ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng rebeldeng grupo.
Matatandaan na ang inilatag ng Pangulo na mga kondisyon ay kailangang sa Pilipinas gawin ang peace talks, dapat ay manatili sa loob ng mga kampo ang mga rebelde, hindi mangingikil ng revolutionary tax, tigil putukan, at hindi dapat ipilit ng rebeldeng grupo ang coalition government.
Ayon kay Pangulong Duterte, kung hindi tatanggapin ni Sison ang kaniyang mga inilatag na kondisyon sa loob ng itinakdang panahon ay maghanda na ito sa giyera dahil walang mangyayari at magpapatuloy lang ang rebelyon.