PEACE TALKS | Posisyon ng mga sundalo, aalamin muna ni Pangulong Duterte bago makipag-usap muli sa CCP-NPA-NDF

Manila, Philippines – Aalamin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging posisyon ng Armed Forces of the Philippines bago pasukin ang posibilidad ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa National Democratic Front.

Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga sundalo ang namamatay at nakikipagbakbakan sa teroristang grupo kaya ito ang dapat magbigay ng posisyon sa usapang pangkayapayaan.

Sinabi ng Pangulo na isa sa mga napag-usapan ng kanyang pakikipag-usap sa mga government officials ng Norway ay ang posibilidad ng pagbabalik ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa teroristang grupo.


Pero sinabi ni Pangulong Duterte na kung siya ang masusunod ay ayaw na talaga niyang pagaksayahan ng panahon ang nasabing grupo kung saan sinabi pa ng Pangulo na tataasan pa niya ang pabuya sa mga Lumad at CAFGU na makapapatay ng isang miyembro ng New People’s Army.
Mula aniya sa 25,000 piso ay iaakyat niya ito sa 100,000 ang bibigay sa sinuman ang makapapatay sa isang terorista.

Sinabi naman ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malabong ibalik ni Pangulong Duterte ang peace talks dahil sa patuloy na paggamit ng dahas ng grupo.

Facebook Comments