Pedicab Driver na Wanted sa Kasong Rape, Arestado!

*Solana, Cagayan – *Nadakip na ang itinuturing na Top 3 Most Wanted Person sa probinsiya ng Cagayan at Top 1 Most Wanted Person sa bayan ng Solana, Cagayan matapos ang ilang taong pagtatago sa batas.

Naaresto noong ika-28 ng Hunyo, 2019 sa Metro Manila ang akusado na kinilalang si Jeffrey Batang alyas Ettong, 29 anyos, binatang Pedicab driver, tubong Andarayan, Solana, Cagayan at kasalukuyang residente ng Muelle de Binondo, Binondo, Manila.

Inaresto si Batang sa bisa ng Warrant of Arrest na ipinalabas ni hukom Lyliha L. Abella-Aquino ng RTC Branch 4, Carig, Tuguegarao City dahil sa kasong “Rape with Homicide” sa ilalim ng Criminal Case No. 16134 noong November 28, 2014.


Batay sa impormasyong nakalap ng 98.5 iFM Cauayan, ang suspek ay nanggahasa at pumatay sa pitong taong gulang na bata mula Solana noong March 3, 2014 matapos nitong maka-inuman ang ama ng biktima.

Magugunita na noong March 3, 2019 ng madaling araw nang napansin ng ama ng biktima na nawawala ang kaniyang anak na babae kaya’t humingi ng tulong sa kaniyang mga kapitbahay upang hanapin ang babaeng anak.

Makalipas ang ilang minuto ay kanilang natagpuan sa bakanteng lote na katabi ng kanilang bahay ang walang buhay at walang saplot na katawan ng biktima.

Duguan rin ang pribadong bahagi ng katawan ng biktima at nakitaan ng sugat sa ulo.

Hawak na ng pulisya ang akusado na nahaharap sa kanyang kaso.

Facebook Comments