Pedicab driver, pinatay ang kainuman matapos siyang tawaging ‘engkanto’

Nasaksak ng isang pedicab driver mula Iloilo City ang kapwa driver noong Sabado ng hapon matapos umanong magkapikunan habang nag-iinuman.

Kinilala ang biktima na si Alan Jimena, 43 na agad nasawi dahil sa pananaksak ng suspek na kinilalang si Melvin Caserial, 53.

Batay sa ulat ng pulisya, nag-iinuman noon ang dalawa sa isang kalye sa South Fundidor, Molo district nang mag-away dahil lamang sa pagtawag ng biktima ng ‘engkanto’ sa suspek.


“Napikon ang suspek dahil tinawag itong engkanto kaya hindi na siya nakapagpigil ng sarili at nasaksak niya ang biktima,” ani Police Maj. Engilbert Banquillo, hepe ng Molo police.

Nagtamo ng apat na saksak sa dibdib si Jimena at agad naisugod sa ospital ngunit kalaunan ay binawian rin ng buhay.

Humaharap naman sa kasong homicide si Caserial na ngayon ay nasa kustodiya na ng mga pulis.

Facebook Comments