Manila, Philippines – Pinag-iingat ng Department of the Interior and Local Government ang mga local chief executives, mga opisyal ng gobyerno pati na ang publiko laban sa scammers.
Partikular na tinukoy ng ahensya ang grupo na “People’s Congress” na nangangako na kaya nilang mag-appoint ng pwesto sa revolutionary government.
Ayon kay DILG OIC Eduardo Año – nakatanggap sila ng ulat na may mga naglilibot sa mga bayan at lalawigan na sinasabing binigyan daw sila ng kapangyarihan ng Malacañang na makapag-appoint ng local executives na magte-takeover sa mga kasalukuyang elected officials sa sandaling maitatag na ang revolutionary government .
Isa sa mga nagpakilalang lider ng grupo ay isang “Jose Roa Matias II”, na nagpakilalang abogado at kaanak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero lumalabas sa imbestigasyon ng DILG na si Matias ay hindi totoong abugado, batay sa Integrated Bar of the Philippines.
Kaugnay dito, inalerto na ni Año ang Philippine National Police kaugnay sa mga aktibidad ng grupo.