Sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang hide out ng isang pekeng dentista sa Malabon City.
Ang operasyon ay bunsod ng reklamo ng ilang biktima kung saan nagpapanggap umano ang suspek na si Ryan Christian Gato Vallermo alyas “Cyan Cyan” bilang dentista.
Base sa reklamo ng mga biktima, kakabitan sila ng libreng braces ng suspek kapalit ng iba’t ibang sexual favors tulad ng pakikipagtalik.
Ayon pa sa mga biktima, pinost din online ng suspek ang mga malalaswa nilang videos.
Dahil sa naturang reklamo, ginalugad ng mga awtoridad ang pinagtataguan ng suspek at dito nasamsam ang mga hard copy ng payment receipts mula sa iba’t ibang remittance outlet, computer devices tulad ng cellphone, desktop computer, routers at iba pang gadget maging mga dental implements na ginagamit sa paggawa ng fake braces.
Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang suspek at nahaharap sa paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse and Exploitation and Discrimination Act.