Tiklo ang isang lalaking nagpanggap na pulis at nangotong sa dalawang lalaki na inakusahang lumabag sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Ermita, Maynila, noong isang araw.
Kinilala ng Manila Police District ang nadakip na si Reynaldo Santos, 43, construction worker mula Quezon City na dayo lang din sa Maynila.
Inireklamo siya ng mga biktimang sina Jimson Dela Vega, 25, kahera sa Western Bicutan, at Jay Bertudez, obrero mula Bacoor, Cavite.
Ayon sa MPD-Station 5, nagpapatrolya ang dalawang Paco police nang lumapit ang mga biktima upang isumbong ang nanyaring pangingikil.
Batay sa dalawa, sinita raw sila ni Santos na nagpakilalang pulis dahil lumabag sila sa quarantine at nang malamang hindi sila mga taga-Maynila, naningil ang suspek ng perang aabot sa P10,500.
Agad namang umaksyon ang dalawang pulis at naaresto ang suspek na muntik nang tumakas nang mamataan ang awtoridad.
Itinanggi ni Santos ang bintang, ngunit positibo siyang itinuturo ng mga biktima.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery/extortion at usurpation of authority.