Manila, Philippines – Iginiit ngayon ni Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan na pekeng ouster plot ang pinangangalandakan na naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tugon ito ni Pangilinan sa pahayag ni Pangulong Duterte na nakikipagsabwatan ang LP sa Communist Party of the Phils. para siya mapatalsik sa puwesto.
Binigyang diin ni pangilinan na mismong si Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang nagsabi na wala silang natatanggap na intelligence report ukol sa destabilisasyon sa administrasyong Duterte.
Buo ang paniniwala ni Pangilinan na ang mga alegasyong walang basehan ng pangulo ay taktika para mailihis ang atensyon ng publiko sa mga isyu laban sa kanya.
Kabilang aniya dito ang isyu ng sabwatan ng Davao group at mga sindikato ng droga sa pagpasok ng P6.5 billion na shabu sa Bureau of Customs, korapsyon, pag-abuso ng mga pulis sa war on drugs at araw araw na patayan kung saan biktima din ang mga bata.
Ayon kay Pangilinan, sa halip na sagutin ni Pangulong Duterte ang nabanggit na mga isyu ay tinatakot at pinapakukong pa umano nito ang sinuman na kumontra o bumatikos.
Sa tingin ni Pangilinan ay patungo na sa diktadura ang gobyerno kung hindi ito tututulan ng mamamayan.