Nilalabag umano ng pelikulang “Barbie” ang karapatan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Tungkol pa rin ito sa isang eksena sa pelikula kung saan sa likod ng bidang si Barbie ay mayroong mapa ng buong mundo at makikita ang walang basehang nine-dash line ng China.
Giit ni Senator Francis Tolentino, Vice Chairman ng Committee on Foreign Relations, hindi isang pelikula ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino at isang tunay na buhay ang araw-araw na pagkuha ng laman-dagat para sa pamilya at sa kanilang hanapbuhay.
Aniya, ang reyalidad at ang tunay na mapa na nangyayari sa West Philippine Sea ay ang halos mabundol ang ating mga mangingisda ng malalaking mga barko ng China.
Mababatid na una si Tolentino sa mga senador na agad na nagbigay ng reaksyon na ipagbawal ang pagpapalabas sa bansa ng pelikulang Barbie dahil ang isang eksena rito ay malinaw na inaapakan ang soberenya ng bansa.