Pelikulang ‘Plane’, hindi na ipapalabas sa bansa

Iniurong na ng distributor sa bansa ang pagpapalabas ng kontrobersyal na pelikulang “Plane.”

Matatandaang nag-privilege speech tungkol dito si Senator Robin Padilla para i-ban sa bansa ang pelikulang “Plane” na nagpapakita umano ng masamang imahe ng bansa partikular na sa Mindanao.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, sinabi ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Lala Sotto-Antonio na sumulat noong February 21 ang kompanyang Pioneer na distributor ng pelikula na iniuurong na nila ang pagpapalabas ng “Plane” sa bansa.


Ibig sabihin, hindi na mapapanood ang nasabing American film sa kahit saan mang sinehan at streaming services o online movie platforms na nag-o-operate sa bansa.

Sinabi naman ni Sotto na maaari pa ring humiling ang distributor ng permit para ipalabas ang pelikula sa bansa pero ito ay kapag tinanggal ang mga eksena na inaayawan ni Padilla.

Samantala, napikon naman si Padilla sa gitna ng pagdinig nang kontrahin ni Director’s Guild of the Philippines President Edward Mark Meily ang pag-ban ng senador sa pelikula dahil sa ito ay fiction o kathang-isip lamang.

Giit ni Padilla, kung fiction ang pelikula ay hindi naman kathang isip lang ang Pilipinas, ang Jolo at ang mga kapatid na Muslim at mananatili ang posisyon nila laban sa pelikula dahil sila ay nasaktan dito.

Facebook Comments