Magpapadala ng letter of apology si United States Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa pamilya ng pinaslang na transgender woman na si Jennifer Laude.
Ayon kay Atty. Rowena Flores, abogado ni Pemberton, nais ng kaniyang kliyente na humingi ng patawad sa pamilya ng kaniyang napatay.
Itinanggi rin ni Flores na pinilit lamang niya si Pemberton na gumawa ng apology letter.
Hinihintay na lamang nila ang dalawang mahalagang dokumento bago makauwi pabalik ng Estados Unidos si Pemberton, kabilang ang sulat mula sa Office of the President na nakasaad na siya na nabigyan ng absolute pardon at clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Flores na nais tapusin ni Pemberton ang kolehiyo pagkabalik niya sa Amerika.
Para kay Atty. Virginia Lacsa Suarez, abogado ng pamilya Laude, dapat noon pa humingi ng patawad si Pemberton.
Marami aniyang pribilehiyo na ibinigay kay Pemberton na hindi ibinibigay sa mga ordinaryong Pilipino.
Si Pemberton ay binigyan ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang nasa anim na taong pagsisilbi sa kaniyang sentensya.