Penal provisions sa panukalang pagbuo ng Maharlika Investment Fund, inilagay bilang bahagi ng safeguards; pagpasa ng MWF Bill bago matapos 2022, hindi pa tiyak!

Naglagay na ng penal provisions ang mga mambabatas para sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MWF).

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Manila City 5th District Representative William Irwin Tieng, Chairman ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries na isa itong paraan para maprotektahan ang malilikom na kita mula sa i-invest na halaga.

Nakapaloob aniya sa penal provisions na ang 20 percent na kikitain sa investment ay mapupunta sa gobyerno para sa mga social welfare programs gaya ng pagbibigay ng mga ayuda.


Ayon pa kay Tieng, ilalagay rin sa probisyon ng nasabing panukala na ipapasailalim sa regulasyon ng Philippine Competition Commission (PCC) ang pagkilatis sa mga investment na pupuntahan ng MWF.

Paliwanag ng kongresista, ang PCC ang kikilatis kung sino o anong investment ang paglalaanan ng pondo para siguradong kikita ito.

Dagdag pa ni Tieng, magkakaroon din ng pagbabago sa composition ng board na mula sa labing-dalawang board members ay gagawin na itong labing-limang miyembro at may nagsulong pa na dagdagan ito ng independent directors.

Kailangan aniya ang directors ay may higit sampung taon na karanasan sa financial management.

Samantala, hindi naman tiyak ni Tieng kung maihahabol ang MWF Bill na maipasa bago ang Christmas break.

Facebook Comments